Tarabangan Caravan ng Ako Bicol Party List, isinagawa Calabanga, Camarines Sur

Umabot sa 500 indibidwal ang nakinabang sa serbisyong medical at dental sa ginanap na Tarabangan Caravan sa Calabanga

CAMARINES SUR – Umabot sa 500 indibidwal ang naging benepisyaryo ng Tarabangan Caravan ng Ako Bicol Party List sa bayan ng Calabanga, Camarines Sur nitong Biyernes, September 22, 2023.

Alok sa naturang aktibidad ang libreng medical check-up, X-ray, blood chemistry, ECG, libreng gupit, libreng fluoride sa mga bata at mayroon ding local recruitment at parlor games para sa mga bata.

Bukod sa mga benepisyaryo, ikinalugod din ito ni Calabanga Mayor Eugene Norman Severo, na sinabing isang karangalan na mabisita ng Ako Bicol Party List. Ang mga bitbit nitong surpresa ay kaginhawahan ang dala sa kanyang mga kababayan, ani Severo.

Ayon naman sa Public Relations Officer ng Ako Bicol Party List na si Rosalieh Luces, hindi sila magsasawang magpasaya, magbigay ng konsuwelo at magbigay ng libreng serbisyo sa mga Bicolano, mapa kalusugan man, edukasyon, imprastraktura at iba pa.

Sa Oktubre, magkakaroon muli ng Tarabangan Caravan sa Naga City.