Tapusin, tapusin! 10 terorista, utas sa opensiba ng AFP; operasyon para tugisin ang mga suspek, tuloy-tuloy lang

Ginamit ng militar ang mga makabagong electronic, computer-controlled 105-mm Howitzer cannons na galing Israel para pulbusin ang mga terorista sa Mindanao.

Sampung miyembro ng teroristang grupo na Dawlah Islamiya ang napatay sa opensiba ng Armed Forces of the Philippines sa hilagang bahagi ng Liguasan Delta noong Huwebes ng umaga, Disyembre 7.

Pinangunahan ng 602nd Infantry Brigade sa ilalim ng 6th Infantry Division ng Army ang naturang opensiba, kung saan binomba ng military ng artillery at air offensive ang mga bayan ng Montawal at Pagalungan sa Maguindanao del Sur at ang bayan ng Pikit sa Cotabato.

Inilunsad ng militar ang opensiba matapos makatanggap ng ulat mula sa mga mamamayan na may namataan silang mga Dawlah Islamiya na tila gumagawa ng improvised explosive devices.

Kinumpirma ng mga mamamayan roon at mga lider ng barangay na 10 miyembro ng Dawlah Islamiya ang napatay sa opensiba ng military, na ginamit ang makabagong electronic, computer-controlled 105 Howitzer cannons na galing Israel.

“We have also received reports from people in these municipalities about that. We are initiating means of securing more details from them. From our end, we don’t have an actual count of enemy cadavers yet,” saad ni Major Gen. Alex Rillera, commander ng 6th Infantry Division.