Tapusin na dapat ngayon 2024: Paspasang trabaho na para maalis ang Pilipinas sa FATF ‘grey list’—PBBM

Mahalagang matanggal sa grey list ang bansa upang hindi ito tuluyang ma-blacklist ng Financial Action Task Force. Kung mangyayari ito, mahihirapan magpadala ng mga remittances ang mga OFW, at magiging masalimuot ang mga transaksyong pinansyal kung sa labas ito ng Pilipinas.

Inatasan na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang iba’t ibang sangay ng gobyerno na aksyunan ang walo pang kakulangan ng bansa upang maaalis sa “grey list” ng Financial Action Task Force (FATF), na isang pandaigdigang watchdog.

“The President has reiterated the government’s high-level political commitment and directed all government agencies concerned to swiftly address the remaining strategic deficiencies identified by the FATF in relation to the greylisting of the Philippines,” paliwanag ni Anti-Money Laundering Council (AMLC) Secretariat executive director Matthew David sa isang Palace briefing nitong Martes, Enero 2.

Ang mga kakulangan ng Pilipinas ay may kinalaman sa pagsugpo sa anti-money laundering at pagpigil sa pagpopondo ng terorismo.

“The Philippines is aiming to address all these deficiencies within 2024 and to trigger the exit process from this FATF ‘greylisting,’” ani David.

May 18 kakulangan ang bansa ayon sa FATF, at 10 rito ang natugunan na nito.

Kabilang sa kailangang gawin ng Pilipinas ay ang pagpapa-igting sa mga imbestigasyon nito sa money laundering at magsampa ng mga kaso sa mga nagpopondo ng terorismo.