Tapos na kalokohan niyo: Mga sangkot sa illegal recruitment, nakwelyuhan ng pulis

Timbog ang pito kataong sangkot diumano sa illegal recruitment, kung saan nangako silang bibigyan ng trabaho sa ibang bansa ang mga bikitima nito kapalit ang malaking halaga.

Naaresto na ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang pitong indibidwal na hinihinalang sangkot sa illegal recruitment.

Ayon sa ulat ni NCRPO chief Brig. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., naaresto sa isang operasyon nitong Lunes, Oktubre 9, ang mga suspek na sina Aida Agpas, Mae Angeline Miranda, Liezle Calantoc, Marc Devin Cachero, Vivian Puzon, Edelyn Gines, at Raymundo Rodrigo.

Nasakote ang pito sa isang operasyon sa opisina ng Jewel Travel Documentation Service sa Barangay Bago Bantay sa Quezon City.

Halos 176 na biktima rin ang nagsampa ng reklamo laban kina Agpas, na diumano nangako sa mga biktima nito ng trabaho sa ibang bansa, gaya ng in Canada, Poland, New Zealand, at Australia, kapalit ang kabayarang mula P200,000 hanggang P300,000.

Hindi naman naibigay ang mga pinangakong trabaho ng mga suspek, ayon sa paunang imbestigasyon.

Sa katunayan, itinanggi ng mga nasabing bansa na may koneksiyon sila sa recruitment agency umano nin Agpas.

Kasalukuyan namang nagsasagawa ng follow-up operation ang NCRPO kontra sa tatlo pang suspek na sina Alexander Natividad, Pearly Sanchez, at Elizeus Bautista Buztrah.