Tanggalin na ang prangkisa nito! Iloilo provincial gov’t, maghahabol ng danyos laban sa NGCP dahil sa kapalpakan ng serbisyo nito–Gov. Defensor

Inaalam na ng Pamahalaang Panlalawigan ng Iloilo kung anu-anong mga danyos ang maaaring habulin sa NGCP matapos mawalan ng kuryente sa buong Panay Island ng apat na araw.

Pinag-aaralan na ng Iloilo provincial government ang pagsingil sa abalang naranasan ng probinsya dulot ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) nang sumailalim ang buong Panay Island sa malawakang blackout noong isang linggo.

Kinumpirma ni Iloilo Governor Arthur Defensor Jr. na inaalam na ng kanilang pamahalaang panlalawigan kung anu-anong mga danyos ang maaaring habulin sa NGCP matapos mawalan ng kuryente sa buong Panay Island ng apat na araw.

“Yes, we will examine our laws kasi there is always a way of exacting accountability lalo na kung public utility ang ating pinag-uusapan. Iba ang public utility sa ordinaryong korporasyon. We will pursue that,” sinabi ni Defensor sa panayam sa radyo.

“Ang laki ng damage sa probinsya, sa household, sa mga lost opportunities, at tsaka negosyo ng ating mga kababayan. We will explore that—how do you exact public accountability on the part of the government,” aniya.

Inanyayahan na ng Kamara si Defensor sa pagdinig na gagawin ng House Committee on Energy sa Enero 11.

Bumalik na sa normal ang supply ng kuryente sa Iloilo noong Biyernes matapos maayos na ang mga power plant na tumirik at nagdulot ng blackout, ayon sa Energy Regulatory Commission.

Isinisi ng Department of Energy ang sinapit ng Panay Island sa NGCP dahil sa kanilang palpak na serbisyo at mabagal na usad ng mga proyekto. Hindi dapat nagkaroon ng malawakang blackout sa Panay Island kung natapos kaagad ang iba’t ibang proyekto para patibayin ang grid sa Visayas, ayon sa kagawaran.

Itinanggi ng NGCP ang kapalpakan nila, ngunit giit ng gobyerno na tila nagpapalusot na naman ang kumpanya.