Tanggalan na ng prangkisa yan! Pagkakalat ng fake news ng SMNI, labag sa prangkisa nito

Lumutang sa pagdinig ng Kamara kamakailan ang posibleng paglabag sa mga alituntunin at regulasyon ng National Telecommunications Commission (NTC) at Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP) ang Sonshine Media Network Inc. (SMNI) kung saan inakusahan ng mga anchor nito ang paggastos ni House Speaker Martin Romualdez ng P1.8

Maaaring may nilabag na mga alituntunin at mga regulasyon ang Sonshine Media Network Inc. (SMNI) matapos nitong ibalita na diumanong gumastos si House Speaker Martin Romualdez ng P1.8 bilyon para sa mga biyahe niya ng isang taon, bagay na napatunayang fake news, ayon sa mga opisyal ng National Telecommunications Commission (NTC) at Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP).

Sinabi ng mga opisyal ng ahensya na maaaring may nilabag ang regulasyon ang SMNI sa pagpapakalat ng maling impormasyon, ayon kay NTC deputy commissioner Alvin Blanco.

“There appear to be infractions, Mr. Chair, on certain provisions of the franchise, particularly the reference provision on Section 4 on the responsibility of the franchisee not to use the station or its facilities for the dissemination of willful or false information,” ani Blanco, na dumalo sa pagdinig ng Kamara noong isang araw.

Ayon sa prangkisang iginawad sa SMNI noong Agosto 2019, pinagyagan ang 25-year renewal nito ngunit itinakda ng batas na hindi gagamitin ang network sa pagpapakalat ng maling impormasyon, at iba pang bagay na makaapekto sa interes ng publiko.

“The grantee shall…not use its stations or facilities for the broadcasting of obscene or indecent language, speech, act, or scene; or for the dissemination of deliberately false information or willful misrepresentation, to the detriment of the public interest; or to incite, encourage, or assist in subversive or treasonable acts,” ayon sa Section 4 ng Republic Act No. 11422, o ang prangkisa ng SMNI.

Sinabi naman ng tagapagsalita ng KBP na si Rudolph Jularbal na maaaring nilabag ng SMNI ang panuntunan ng kanilang organisasyon nang payagan nila sa ere ang mga announcer na hindi sumailalim sa accreditation ng grupo.

Paliwanag pa ni Jularbal, sumasailalim ang mga anchor at reporter ng network na miyembro ng KBP tulad ng SMNI, sa mga training at lecture sa code of ethics, at kinakailangan nilang pumasa sa pagsusulit.

Napagalaman sa pagdinig ng Kamara na hindi accredited ang mga announcer nito na sina dating Undersecretary Lorraine Badoy at Jeffrey “Ka Eric” Celiz.

“Considering the information gathered during this hearing, your honors, I will report to the standards authority of KBP,” ani Jularbal.