Tama nga naman ang bagito: Mambabatas, may suhestiyon kung paano gagamitin ng PhilHealth ang sobrang pondo

Ayon sa isang bagitong mambabatas, gamitin na lang dapat ng PhilHealth ang sobrang pondo nito para taasan ang sahod ng mga medical workers.

May magandang panukala ang isang bagitong mambabatas sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) kung paano nito gagamitin ang sobrang pondo ng ahensiya: Gamitin ito para taasan ang sahod ng mga medical workers.

Ayon kay AnaKalusugan Rep. Ray Reyes, pinag-aaralan na ng kaniyang party-list kung ang sobrang pondong ito ay magagamit upang maitaas ang sweldo ng mga government medical personnel.

“I think we all can agree na mas deserve ng ating mga healthcare workers ang umento sa sahod at benepisyo,” saad ni Reyes.

Dagdag ni Reyes, mahigit sa itinakda sa batas ang sobrang pondo ng PhilHealth.

“Based on their guidelines, dapat mga P200 billion lang ang reserve nila. Right now they are at more than P400 billion,” aniya.

Kaugnay niyan, isinusulong ni Reyes ang House Bill (HB) No.9513, na naglalayong payagan ang mga government-owned and controlled corporation na gamitin ang sobrang pondo nila para sa iba’t ibang mahahalagang layunin.