Tama na, sobra na, palitan na! Romualdez: Patalsikin ang palpak na hepe ng OTS

Binalaan ni House Speaker Martin Romualdez na haharangin ang budget ng ahensiya kapag hindi nagbitiw sa pwesto ang hepe ng Office of Transportation Security (OTS) dahil sa sunod-sunod na gusot.

Pinagbibitiw sa pwesto ni House Speaker Martin Romualdez ang administrador ng Office of Transportation Security (OTS) na si Mao Aplasca matapos ang sari-saring gusot na kinakasangkutan ngayon ng opisina nito.

“I am advising the OTS chief: Submit your courtesy resignation before the House of Representatives tackle the budget of your office,” babala ni Romualdez kay Aplasca sa isang pahayag nitong Lunes, Setyembre 25.

Dagdag pa ng Speaker, siya mismo ang haharang sa budget ng OTS kung hindi magbibitiw si Aplasca.

“Mag-resign ka na. Kung hindi ka magsa-submit ng resignation, ako mismo ang magba-block ng approval ng budget ng OTS,” mariing sinabi ni Romualdez.

Binigyang-diin ni Romualdez na dapat mag-resign si Aplasca dahil sa principle of command responsibility, at para na rin marepaso ang sistema ng airport security office.

“Naka-strike three na ang OTS chief. We are already fed up with these reports of stealing and other acts of wrongdoing at the airport, for which OTS officials and their DOTr supervisors are ultimately responsible. A top-to-bottom overhaul is needed,” aniya.

“We cannot let these atrocious activities and other acts of misconduct at the airport continue to take place. It’s bad for the country and the economy,” dagdag pa ni Romualdez.

Matatandaang naging sentro ng kontrobersiya ang OTS matapos isubo ng isang opisyal nito ang umano’y ninakaw nitong $300 mula sa isang papaalis na turista.