Tama na, sobra na, pahinga na! Pinoy health workers, nakakaranas ng pagka-burnout; bilang ng kaso ng anxiety, depression, tumataas – health official

Hindi kaila na mahirap ang trabaho ng isang health worker, kung kaya't hindi na kataka-taka na marami sa kanila ang napapagod na at nagkakaroon ng anxiety o depression.

Tumataas ang bilang nga mga health worker sa bansa na nagkaka-anxiety o depresyon dahil sa burnout sa trabaho.

Ito ang sinabi ni Dr. Reden Bersaldo, chief of hospital sa Davao Oriental Provincial Medical Center (DOPMC), sa isang webinar na dinaos sa pagwawakas ng National Mental Health Month nitong Martes, Oktubre 31.

Sa kasamaang palad, wala rin raw paraan o pagkakataon ang mga health workers dito na ilabas ang kanilang mga saloobin o problema sa trabaho.

“They don’t have a venue to vent their frustrations in the workplace,” sabi ni Bersaldo. “Almost all of them complained of being tired, overworked, and underpaid, with delayed salaries.”

Dagdag pa ni Bersaldo, lumala ang sitwasyon noong pandemya, kung saan mas naging kritikal ang papel ng mga health workers ng bansa upang labanan ang COVID-19 at tulungan ang mga may sakit.

Kaugnay nito, gumagawa naman ng hakbang ang Department of Health para tulungan ang mga health workers, at isa na rito ang paglabas ng “Superhealers Playbook,” isang guide kung paano mapapanatili ang kapakanan ng mga nasa healthcare industry.