Tama ang tinatahak: Murang bigas, mabibigay ng gobyerno ni PBBM—NEDA official

Pinapalawak na rin ng gobyerno ang pagsasaliksik at paggamit ng makabagong teknolohiya upang mas mapabuti ang antas ng agrikultura ng bansa

Bagaman sinabi ni Department of Agriculture Secretary Kiko Laurel Jr. na hindi pa kayang ibaba sa ngayon ang presyo ng bigas sa P20 kada kilo, “on the right track” naman ang gobyerno sa pagpapababa nito, ayon sa National Economic and Development Authority.

Ayon kay NEDA Undersecretary Rosemarie Edillon, may niluluto ng “economies of scale” ang gobyerno ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na makakatulong aniya na ibaba ang presyo ng bigas sa mga susunod na buwan.

“That is the general direction that we will be going to—kumbaga may economies of scale ka. So, kung ganun, going forward, yes, we can attain that pero, ayon nga, marami pang kailangan mangyari muna,” paliwanag ni Edillon.

Pinapalawak na rin aniya ng gobyerno ang pagsasaliksik at paggamit ng makabagong teknolohiya upang mas mapabuti ang antas ng agrikultura ng bansa.

“So, with respect to improvements ng R&D (research and development), ‘yung irrigation natin. Sa ngayon, ang ginagawa natin is ‘yung clustering of farms, farm consolidation, para maging malalaki ang mga, you know farm sizes. We should be able to replicate that across the country,” ani Edillon.

Dagdag pa niya, siguradong tinatrabaho na ng DA ang pagpapababa sa presyo ng bigas at iba pang produktong agrikultural.