Talaga ba? Bong Go giniit na walang delay sa SAP sa panahon ni Duterte

Sinita ni Senador Bong Go ang delay sa pamamahagi ng ayuda sa ilalim ng programang Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS).

Sinita ni Senador Bong Go ang delay sa pamamahagi ng ayuda sa ilalim ng programang Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS).

Sa Senate Committee hearing nitong Martes, sinabi ni Go na noong panahon umano ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ay walang naging delay sa pamamahagi ng ayuda noong pandemya.

Aniya, lahat ng hiningi para sa ayuda ay binigay agad ng Duterte administration. Wala rin umanong naranasang delay sa pamamahagi ng cash assistance sa ilalim ng social amelioration program (SAP).

“Walang delays! Ni isang araw walang delay!” giit ni Go.

“Panahon ng pandemya ‘yung SAP, ni halos hindi nga kami matulog nun eh para mabigay sa lahat ‘yung social amelioration ng gobyerno dahil pera ng tao ‘yan,” aniya pa.

Ngunit kung babalikan ang SAP noong kasagsagan ng pandemya ay hitik sa delay ang pamamahagi ng ayuda sa mga naapektuhan ng COVID-19 pandemic dahil sa iba’t ibang rason.

Kabilang sa idinahilan noon ng DSWD ay ang hindi umano pagsusumite ng mga local government unit (LGU) ng pangalan ng mga beneficiaries para sa SAP.

Lumabas din sa hearing sa Kamara noong 2020 na kaya umano na-delay ang pamamahagi ng cash assistance ay dahil sa banta sa kalusugan ng mga nagi-implement ng SAP, kasama na ang kahirapan umano sa pagpunta sa mga liblib na lugar para maabutan ng tulong.

Matatandaan na naglabas din ng report ang Commission on Audit kung saan P1.9 billion ng pondo na inilaan sa SAP ang hindi naibahagi ng gobyerno noon.