Taksil sa bayan! Barbers dinikdik PCG sa ni-recruit na 36 Chinese

Determinado si Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers na mapanagot ang mga opisyal ng Philippine Coast Guard (PCG) na pinayagang makapasok ang 36 Chinese national sa kanilang hanay.

Determinado si Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers na mapanagot ang mga opisyal ng Philippine Coast Guard (PCG) na pinayagang makapasok ang 36 Chinese national sa kanilang hanay.

Ayon kay Barbers, dapat na ilantad ang pagkakakilanlan ng PCG officials na pinayagan makalusot ang mga Chinese.

“Noong panahon ng Hapon sa Pilipinas, meron tayong mga Makapili. Ngayon, meron na rin umano tayong mga Makabagong Makapili na nagsisilbi sa interes ng China sa ating bansa,” wika ni Barbers.

“Panahon na para imbestigahan at kilalanin ang umano’y mga walang kunsensya at taksil sa bayan na mga ito,” aniya pa.

Sa pagdinig sa Kamara, sinabi ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan na ang mga Chinese national na kabilang sa PCG Auxilliary ay tinanggal na sa serbisyo.

Tingin ni Barbers, ang mga Chinese na nakapasok sa PCG Auxilliary ay posibleng mga negosyante o turista na gusto pang mapahaba ang pananatili sa bansa.

Posible rin umanong mga espiya ito ng China para malaman kung anong kalakaran sa PCG.

“The Chinese nationals were with the PCGA for more or less three years. Did the PCG conduct due diligence on these nationals? Obviously, there’s none,” giit pa ni Barbers.