Takoyaki store tiklop sa bashing, binigay P100K premyo sa lalaking pumatol sa prank

Matapos ulanin ng batikos sa social media ay bumigay na ang may-ari ng takoyaki store na 'Taragis' sa lalaking naniwala sa kanilang April Fools' Day prank.

Matapos ulanin ng batikos sa social media ay bumigay na ang may-ari ng takoyaki store na ‘Taragis’ sa lalaking naniwala sa kanilang April Fools’ Day prank.

Matatandaang nag-viral ang Taragis sa kanilang prank kung saan nag-post sila ng promo na bibigyan nila ng P100,000 ang sinumang magpapa-tattoo ng kanilang logo sa noo.

Ang masama rito, isang lalaking nagngangalang Ramil Albano ang napaniwala sa post at dahil na rin sa matinding pangangailangan ay agad na pina-tattoo sa noo ang logo ng Taragis.

Ang kinagalit pa ng mga netizen, inihayag ng Taragis na hindi nila papanagutan ang pagpapa-tattoo ng lalaki dahil prank lamang nila ito para sa April Fools.

Ngunit Martes ng hapon, naglabas ng video ang Taragis kung saan personal na pinuntahan ng may-ari na si Carl Quion si Albano.

Dito na napag-alaman na may anak si Albano na may down syndrome, at dito niya sana gagamitin ang salapi.

Ibinigay naman ni Quion ang P100,000 kay Albano at nilibre na rin siya at ang kanyang anak na special child sa isang fast food. Humingi rin ng tawad si Quion sa kanyang prank.

“Sa lahat ng nagkaroon ng negatibong pananaw sa naging April Fool’s post namin, humihingi ako ng tawad. At sana magsilbing aral ito sa ating lahat … na maging responsable tayo sa lahat ng inu-upload natin,” saad ni Quion sa video.

Samantala, matapos mag-viral ni Albano ay iba’t-ibang mga negosyo ang nagpahayag ng pagtulong sa kanya sa social media.