Tagumpay! Malacañang ibinida ang US$22-M na pangakong investment sa Pilipinas

Mag-uuwi ng halagang US $22 milyon na investment pledges si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. matapos itong pakipagpulong sa mga business leaders sa Indonesia bilang bahagi ng kanyang pagdalo sa ASEAN Summit.

Masasabing matagumpay ang pagdalo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos sa ika-43 ASEAN Summit sa Jakarta, Indonesia.

Bukod sa pagsulong sa mga interes ng Pilipinas, nakalikom rin ang pangulo ng investment pledges na nagkakahalaga ng US $22 milyon.

Ang mga ito, ayon sa Palasyo, ay bunga nang pakikipagpulong ni Pangulong Marcos sa mga punong ehekutibo nang malalaking kompanya sa Indonesia.

“President Ferdinand R. Marcos Jr. secured on Tuesday US$22 million in investments following his meetings with Indonesia’s leading companies for increased partnerships on animal health, artificial intelligence, and digital connectivity,” sambit ng Palasyo sa isang pahayag nitong Miyerkules, Setyembre 6.

Dagdag ng Malacañang, kabilang ang PT Vaksindo Satwa Nusantara at PT WIR Asia Tbk sa mga nangakong mamumuhunan sa Pilipinas.

Nauna nang nakipagpulong si Marcos sa ASEAN Business Advisory Council noong Miyerkules, Setyembre 5.

Dito ibinida ng pangulo sa mga lider ng negosyo sa Indonesia ang mga hakbang na ginawa ng Pilipinas upang gawing mas kaaya-aya ang bansa sa paglago ng negosyo.

Kabilang sa mga hakbanging ito ay ang Regional Comprehensive Economic Partnership, Foreign Investment Act, at Retail Trade Liberalization Act.