Tagay sa bahay lang, pre! Liquor ban sa buong bansa, umiiral dahil sa halalan para sa barangay, Sangguniang Kabataan

Bawal muna ang tagayan simula ngayong Linggo, Oktubre 29, hanggang Lunes, Oktubre 30, kung kailan gaganapin ang Barangay at Sangguniang Kabataan election.

Nagsimula na ngayong Linggo, Oktubre 29, ang liquor ban sa buong bansa bilang bahagi ng paghahanda para sa maayos at mapayapang Barangay at Sangguniang Kabataan Election sa Lunes, Oktubre 30.

Ibig sabihin, bawal na magbenta ng alak ang kahit anong establisyemento, mapa tindahan man, supermarket, o mga bar. Bawal rin ang mga inuman sa mga pangpublikong lugar habang umiiral ang liquor ban.

Ayon kay Maj. Judge Rowe Donato, commander ng Substation 1 ng Taguig City, nakakaharap sa isa hanggang anim na taong pagkakakulong ang sinumang lalabag sa liquor ban.

Kaugnay nito, isa ang istasyon ni Donato sa mga unang nagpatupad ng nasabing probisyon nang mag-ikot ang mga tauhan niya sa Fort Bonifacio sa Taguig, partikular na sa mga bar at parehong establisyimento.

Matatapos ang liquor ban ng 12:01 a.m. ng Oktubre 31.