Taas presyo na naman! LTFRB: Desisyon sa taas pasahe, lalabas sa susunod na linggo

Tinatayang makakapagpasya ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga nakahain na kahilingan na taas-pasahe ng mga transport groups sa susunod na linggo.

Inaasahang magpasya ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga inihain sa kanila na petisyong taas-singil sa pasahe sa susunod na linggo, ayon kay chairperson Teofilo Guadiz.

“Tuesday, definitely in the afternoon, after the hearing maglalabas na kami ng desisyon,” sinabi ni Guadiz sa mga mamamahayag sa isang pulong sa LTFRB main office sa Quezon City.

Ayon kay Guadiz, humingi ng karagdagang dokumento ang LTFRB mula sa mga petitioner upang makapagsumite ito ng resolusyon sa mga inihain na petition ng taas-pasahe sa kanila.

Unang naghain ng taas-pasahe na P2 sa unang apat na kilometro sa lahat ng pampublikong sasakyan ang Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas, Pagkakaisa ng mga Tsuper at Operators Nationwide, Stop & Go Transport Coalition, at Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines.

Humingi naman ng P1 provisional increase sa minimum fare at P5 taas-pasahe ang Pasang Masda, Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO) at Alliance of Transport Operators’ & Drivers’ Association of the Philippines (ALTODAP).

Iginiit ni Guadiz na sisikapin ng LTFRB na abutin ng desisyon nito ang lahat ng kahilingan ng mga grupo.

“Whether it is a provisional remedy of P1 or a P2 fare increase… it will be for the entire nation,” ani Guadiz. “We will wait for the documents they will submit before we can decide.”