Surot, daga, ipis: Patung-patong na problema ng NAIA, pinapasilip sa Kamara

Nais paimbestigahan sa Kamara de Representantes ng isang mambabatas ang napaulat na pagkakaroon ng surot, daga, at ipis sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Sa kanyang House Resolution 1615, sinabi ni OFW Party-list Rep. Marissa “Del Mar” Magsino na dapat ding silipin ng mababang kapulungan ang mahabang pila ng pasahero sa mga immigration checking counter ng pangunahing paliparan ng bansa.

“We recognize that the officials of the Manila International Airport Authority (MIAA) immediately addressed the complaints on bed bugs, rats, and cockroaches in NAIA. However, given the repeated problems in NAIA and its tag as one of the world’s worst airports, we have to look into the compounded issues, more so, since NAIA has revenues to address basic operational concerns such as sanitation and congestion,” ani Magsino.

Inihain ng kongresista ang resolusyon matapos mag-viral sa social media ang mga reklamo ng pasahero na nakagat ng surot, at nakakita ng daga at ipis sa NAIA terminals.

Ayon kay Magsino, apektado umano ng isyu ang imahe ng bansa sa international community at maaaring magkaroon ng malaking implikasyon sa turismo ng Pilipinas.