Support naman d’yan! Mga guro umaasang mabibigyang-pansin ang mga hinahing ngayong National Teachers’ Month

Sa pagdiriwang ng National Teachers' Month, hinimok ng Teachers’ Dignity Coalition ang Gobyernong Marcos na mas bigyang pansin ang mga problemang kinakaharap ng mga guro sa bansa.

Umaasa ang Teachers’ Dignity Coalition (TDC) na sa pagsisimula nang pagdiriwang ng National Teachers’ Nonth ngayong Setyembre na bibigyang pansin ng pamahalaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos ang pangkalahatang kapakanan ng mga guro sa bansa.

Sinabi ng TDC sa isang pahayag nitong Martes, Setyembre 5, na magbibigay ng mas konkretong solusyon ang pamahalaan upang matugunan na ang mga problemang matagal nang kinaharap ng mga guro, gaya ng mababang pasahod, sobrang trabaho, at kakulangan ng pasilidad at silid-aralan.

Ang National Teacher’s Day ay taunang pagdiriwang na nagsimula noong 2011 alinsunod sa Proclamation 242 ni dating pangulo Benigno Aquino III. Layunin nitong ipagdiwang ang malaking tuungkulin ng mga guro sa nation-building.

Ngayong taon, nais ipaalaala ng TDC na dapat mag-invest ang pamahalaan sa mga guro kung gusto nitong maging responsible, kritikal, at progresibo ang mga batang Pilipino.

“National Teachers’ Month still serves to remind us of the nobleness of the teaching profession and the value of our teachers’ contributions in shaping the lives of our children and our society in general,” pagdidiin ng TDC.