Super baba ng tingin sa lotto ng “Super Ate ng Pangulo!” Imee, pinatitigil muna dahil sa mga ‘kababalaghan’

Ang mga alegasyon ng senadora ay kasunod ng halos sunud-sunod na pagtama sa jackpot ng iba’t ibang laro ng lotto, kabilang na ang napanalunang P640-milyong premyo ng Super Lotto 6/49 noong Enero 16, ang P690-milyong jackpot noong Enero 18, at ang P571-milyong grand prize ng Ultra Lotto 6/58 noong Disyembre 29, 2023.

Nais ni Senador Imee Marcos na suspindihin muna ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang mga bola ng mga laro nito dahil sa mga alegasyong may hokus-pokus sa sistema nito.

“Ako pikon na pikon na ko sa lotto na yan. Nawalan na ko ng pag-asa dahil January 2023 nag-file na ko na sana imbestigahan na ‘yang PCSO na yan. Kasi mathematically improbable ang ginagawa nilang ganon kadalas [na winners]… Kung ano-anong kababalaghan na,” sabi ni Marcos sa isang press briefing nitong Biyernes, Enero 26.

Iyan ay kasunod ng halos sunud-sunod na pagtama sa jackpot ng iba’t ibang laro ng lotto, kabilang na ang napanalunang P640-milyong premyo ng Super Lotto 6/49 noong Enero 16, ang P690-milyong jackpot noong Enero 18, at ang P571-milyong grand prize ng Ultra Lotto 6/58 noong Disyembre 29, 2023.

BASAHIN RIN: Legit ‘tong lotto ng PCSO! Mananayang nasolo ang P571-milyong jackpot sa 6/58, aminadong naengganyo lang ng ‘Handog Pakabog’

“Hangga’t di napapaliwanag itong mga pangyayari na ito, itigil muna yung bola… Kabulastugan na ‘yan,” giit pa ni Marcos.

Tahasan niya ring inakusahan ang PCSO ng pagnanakaw sa mga maralitang Pilipino, na tumataya sa lotto sa pangarap na makaahon sa kahirapan.

“Naaawa naman ako sa mga pumupustang mahihirap, yan na nga lang ang tanging pag-asa nila na makadale ng konting pera eh ninanakaw pa, binobola pa…. Labis na ‘yan,” aniya.

Una nang nanawagan ang iba pang mga kasamahan ni Marcos sa Senado, gaya ni Sen. Raffy Tulfo, na imbestigahan ang anila’y iregularidad sa mga bola ng PCSO—bagay na mariing pinabulaanan ng ahensiya.

“It cannot be manipulated. Kaya naming patunayan ‘yan,” ani PCSO General Manager Mel Robles.