Suot ulit ang face mask! Publiko, pinag-iingat ng DOH sa kumakalat na ‘walking pneumonia’

Ang walking pneumonia ay isang uri ng community-acquired pneumonia na karaniwan na rin sa Pilipinas, at minsan ay wala itong sintomas. Makikita lang ito sa isang X-ray.

Nakabantay ngayon ang Department of Health (DOH) sa pagtaas ng mga respiratory illness sa China, partikular na ang mycoplasma pneumoniae.

Ang naturang sakit, na kilala rin bilang “walking pneumonia,” ay uri ng community-acquired pneumonia na karaniwan na sa Pilipinas.

“Isang uri ito ng bacteria na tinatawag na Mycoplasma, na ang resulta kapag tumama sa tao, ay magkakaroon siya ng pneumonia o kaya ‘yung iba, tracheobronchitis,” paliwanag ni DOH-Bureau of Local Health Development and National Epidemiology Center Director Eric Tayag.

Sinabi naman ni Tayag na hindi kailangan ng “urgent medical attention” ang naturang sakit. Gayunpaman, dapat pa rin itong gamutin.

“Now, it is referred to as walking pneumonia, and for someone with a Mycoplasma pneumoniae infection, their condition may appear normal, but when you have it X-rayed, you will be alarmed by what you see in the X-ray,” aniya sa isang panayam sa One PH-One Balita Pilipinas noong Nobyembre 30.

Ang ikinababahala lamang ni Tayag at ng DOH ay ang antibiotic resistance, na magpapahirap sa gamutan ng nasabing sakit.

Kaya naman pinag-iingat ng DOH ang lahat.