Sundalong nasawi sa pagsagip ng 2 nalulunod na bata, kinilala

Pinarangalan ng Philippine Army nitong Linggo ang sundalong nasawi sa pagligtas ng dalawang batang nalulunod sa Borongan City, Eastern Samar.

Pinarangalan ng Philippine Army nitong Linggo ang sundalong nasawi sa pagligtas ng dalawang batang nalulunod sa Borongan City, Eastern Samar.

Bronze cross medal ang iginawad ni Brig. Gen. Noel Vestuir kay Technical Sgt. Samuel Garbo sa gitna ng kanyang lamay sa Giporlos, Eastern Samar.

Naganap ang kabayanihan ni Garbo noong Abril 8. Nagkataon na kasama ni Garbo ang kanyang mga kaibigan sa isang resort sa Borongan City nang makita niya ang dalawang batang tinatangay ng malalaking alon. Edad 13 at 9 ang mga bata.

‘Di nagalinlangan ang sundalo at sinagip ang dalawang bata, kung saan itinulak niya ang mga ito hanggang sa mapalapit sila sa pampang. Sa kasamaang palad, nawalan ng malay si Garbo habang naglalakad pabalik sa dalampasigan.

“His act of courage and willingness to help others unmindful of his safety embodies the ideals of a true warrior and exemplifies the finest tradition of Filipino soldiery,” pahayag ni Vestuir.

Bukod sa medalya, nakatanggap ang pamilya ni Garbo ng tulong-pinansyal na P413,000 mula kay Army Commanding General Lt. Gen. Roy Galido.