Sundalo, patay nang mabundol ng kasalubong na truck sa Ligao, Albay

Pauwi na ang sundalo sa kanilang bahay sa Nabua nang ma-aksidente ito sa highway, ayon sa mga imbestigador

LIGAO CITY- Sinubukan pa sanang isugod sa ospital subalit hindi na umabot pang buhay sa pagamutan ang isang aktibong sundalo ng Phillipine Army (PA) matapos mabangga ang minamanehong motorsiklo ng kasalubong na truck pasado alas-10:00 ng gabi nitong Linggo, September 17, 2023.

Kinilala ang biktimang si Cpl. Reynald Salvador y Bermal, 37-anyos at nakabase sa 9th Infantry Division Philippine Army (9ID PA).

Ayon sa Ligao Municipal Police Station, galing sa bayan ng Guinobatan at pauwi na sana ang biktima sa Nabua, Camarines Sur nang maaksidente, habang galing Manila, papunta naman sana sa probinsya ng Sorsogon ang driver ng truck na si Jamescar Española.

Tumanggi na ang istasyon na idetalye pa ang buong pangyayari bilang pagsunod din diumano sa kahilingan ng naiwang pamilya ni Salvador.

Aminado rin ang PNP na accident prone area ang lugar kaya’t kinakailangan din ng ibayong pag iingat.

Sa ngayon, nasa himpilan pa ng PNP ang driver ng truck para sa kaukulang disposisyon.