Sumisigla na muli ang turismo! 36k na umaalis, 32k na dumadating sa Pilipinas, naitala ng BI

Unti-unti nang bumabalik ang sigla ng turismo, kung pagbabatayan ang mga bilang ng pasaherong dumadating at umaalis sa mga paliparan ng bansa, ayon sa Bureau on Immigration (BI).

Umabot na sa 36,000 ang average departures at 32,000 average arrivals ang naitala ng Bureau on Immigration (BI) simula ang long weekend bunsod ng barangay at Sangguniang Kabataan elections (BSKE) at Undas.

Ayon kay Immigration spokesperson Dana Sandoval, nalalapit na ang mga bilang na ito sa pre-pandemic figures kung saan naglalaro sa pagitan ng 50,000 at 60,000 na biyahero ang nagpaparehistro sa kawanihan.

“Pre-pandemic, we would see in a month 1.5 [million] to 1.7 million a day. But I think we’re getting there. Previously, during the start of the year, we’ve been only seeing less than one million travelers a month, but during the latter half of the year, we’ve seen more than one million. I think it’s going to go up even to 1.3 million for the next month,” sinabi ni Sandoval sa isang panayam.

Sinabi pa ng tagapagsalita ng BI na pinaghandaan ng kawanihan ang dagsa ng pasahero sa pamamagitan ng pagdagdag ng pwersa, at pagtalaga ng mga rapid response at augmentation teams.

Sa kasalukuyan, inilarawan ni Sandoval ang pila sa mga immigration counters sa mga paliparan ng bansa bilang “manageable at tolerable.”

Wala pang insidente ang naitatala sa mga nakalipas na araw, ayon pa sa opisyal.

Inaasahan na higit sa 100,000 na pasahero ang dadaloy sa NAIA para magbiyahe ngayong long weekend.