Sumbong n’yo lang sa’min! PNP, handang tulungan ang PhilHealth matapos ang hacking incident

Tiniyak ng pamunuan ng PNP na tutulong ito kung kailangan sa imbestigasyon ng PhilHealth hinggil sa Medusa ransomware na tumama rito kamakailan lamang.

Nakahandang tulungan ng Philippine National Police (PNP) ang Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth), na ngayon ay nakakaharap sa isang kaso ng cyberattack.

Ayon kay PNP Public Information Office chief Col. Jean Fajardo, tutulong ang PNP kung kinakailangan sa imbestigasyon ng ahensiya hinggil sa Medusa ransomware na natanggap nito kamakailan lamang.

Dahil sa security incident na ito, nakuha ng cybercriminals ang sensitive data ng mga PhilHealth members, kagaya ng mga pangalan nito, address, contact number, at maging health information.

Kinumpirma rin ng PhilHealth at ni Fajardo na hinihingan ang ahensiya ng halos P17 milyon kapalit ang nakuhang sensitive data, kasama na ang batch na diumano ay naka-post na sa dark web.

Bukod sa nanakawan ito ng data, naapektuhan rin ng Medusa ransomware ang iba pang aspeto ng PhilHealth online system, kabilang na ang website nito, ang workstation ng 17 empleyado, ang e-claim system, at maging ang collection system ng ahensiya.