Sumalangit ang umawat! Lalaking umawat sa away-lasing, ginulpi hanggang mamatay sa Maynila

Sapul sa CCTV ang tila paghingi ng dispensa ni Villamor para sa diumano'y pambabasto ng kaibigan nito. Subalit sa gitna nang usapan ay biglang may nanuntok sa biktima, na tuluyan nang ginulpi ng kabilang grupo.

Nauwi sa trahedya ang sana’y masayang inuman ng isang lalaki at ng kanyang kaibigan.

Ito ay matapos magulpi ang lalaki na pumagitna lamang sa tensiyon sa pagitan ng kaniyang kaibigan ang ng isang babaeng binastos raw ng una.

Ayon kay Capt. Dennis Turla, hepe ng Manila Police District homicide division, pumagitna lamang si Molan Villamor matapos ireklamo ng isang babae ang kaniyang kaibagan ng pambabastos.

Patay ang isang lalaki matapos pagtulungang gulpihin sa Sampaloc, Maynila sa mismong araw ng Pasko, Disyembre 25.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumabas na pumagitna lang ang biktimang si Molan Villamor matapos ireklamo ang kaniyang kainuman na nambastos umano sa isang babae.

Sapul sa CCTV ang pagpunta ni Villamor at ng kasama nito upang humingi ng dispensa, subalit dito na nagkagulo.

“Sa gitna ng kanilang usapan, bigla na lang may nanuntok doon sa ating biktima. Afterwards, sumuntok at sumipa na rin ‘yung iba pa nating mga suspek, kasama na rin ‘yung babae na diumano nabastos ng grupo ng biktima,” kwento ni Turla.

Maging ang babae mismo may nakibugbog rin nang tadyakan nito ang nakabulagtang biktima.

“Sa sobrang galit din po kasi tinawanan din po ako ng lalaki na ‘yun e,” sabi ng babae.

Nadakip ng mga awtoridad ang apat sa limang suspek, kabilang na ang babaeng nabastos diumano.

Kaugnay niyan ay nanawagan ang pamilya ni Villamor ng hustisya.

“Napakasakit. Hindi naman niya kasalanan ‘yun parang gusto lang niya humingi ng pasensya. Tapos doon pa siya napahamak, sambit ni Darwin Domingo, na pinsan ng biktima at isa sa mga nakasaksi sa pangyayari.