Sulit naman pala: P427 bilyong foreign investments, nakuha ni PBBM mula sa mga byahe nito

Marami ang pumupuna sa dalas ng pagbyahe ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa iba't ibang bansa. Subalit sa nakuha nitong P427 bilyong halaga ng foreign investment, masasabing sulit naman ang mga pag-alis ng pangulo.

May kabuuang P427 bilyon ang nakuhang foreign investments ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. mula sa kanyang mga biyahe sa ibang bansa.

Sinabi ni Board of Investments (BOI) managing director Ceferino Rodolfo ang magandang balita nitong Martes, Oktubre 17, sa isang press briefing sa Palasyo.

Paliwanag ni Rodolfo, halagang P738 bilyon ang inaprubahan ng ahensiya mula Enero hanggang Setyembre ngayon taon, at P427 bilyon dito—o mahigit kahalati—ay foreign investment. Ang natitira ang pawang local investment naman.

“Kung titingnan natin iyong foreign component mismo, ang total approved registrations po sa BOI ay umaabot ng P427 bilyon. Kung ikukumpara ninyo ho iyon sa same period of last year, it’s actually a 4,150 percent increase,” paliwanag ni Rodolfo.

Dagdag pa ni Rodolfo, ang malaking foreign investments na ito ay direktang epekto ng mga biyahe ni Marcos.