Sulit na biyahe para sa taumbayan: Pagdalo ni PBBM sa APEC Summit sa US, magiging matagumpay para sa bansa—solons

Ilang beses nang napatunayan nang pangulo na kaya nitong mag-uwi ng magagandang balita sa kaniyang kada pagbisita sa ibang bansa..

Umaasa ang ilang miyembro ng Kamara na magiging matagumpay ang pagdalo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa ika-30 Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit at APEC Leaders’ Meeting na parehong gaganapin sa San Francisco, California.

Ayon kina House Deputy Speaker at Lanao del Sur Rep. Yasser Alonto Balindong, Misamis Oriental Rep. Yevgeny Vincente Emano, at Occidental Mindoro Rep. Leody “Odie” Tarriela, tiyak na isusulong ni Marcos ang interes ng bansa, partikular sa ekonomiya nito, sa mga pagpupulong na dadaluhan niya.

Dagdag pa nila, ilang beses nang napatunayan nang pangulo na kaya nitong mag-uwi ng magagandang balita sa kaniyang kada pagbisita sa ibang bansa.

“Laging nakapag-uuwi ng malakihang investment pledges and business deals ang ating mahal na Pangulo. Hindi po nasasayang ang mga biyaheng ito, bagkus ang mga ito ang bumubuhay sa ating ekonomiya,” anila.

Iyan din ang inaasahan nina Balindong at Tarriela, na parehong kumpiyansa rin na makapag-uuwi ang pangulo ng mas marami pang mga investment at kasunduan na magpapalago sa ekonomiya ng bansa at magpapaganda ng kalidad ng buhay ng taumbayan.

Kanya naman hinimok nila ang kanilang kapwa mambabatas na suportahan pang lalo ang pangulo.