Sulit ang paghihintay! Matapos ang 61 na taon, kampeon muli ang Pilipinas sa Asian Games basketball

Nasungkit ng Gilas Pilipinas ang gintong medalya sa Asian Games basketball nang talunin nito ang Jordan, 70-60. Huling nakaginto ang Pilipinas nooon pang 1962.

Nakopo ng Gilas Pilipinas ang ginto sa Asian Games basketball matapos nitong talunin ang Jordan, 70-60, sa kanilang gold-medal match nitong Biyernes, Oktubre 6, sa Hangzhou Olympic Sports Centre Gymnasium.

Mainit ang naging simula ng Gilas, na lumamang agad ng 13 puntos sa pamumuno ni Justin Brownlee at Chris Newsome, na parehong nagpakitang Gilas sa unang yugto pa lamang.

Subalit agad namang nakabalik ang Jordan sa second quarter upang tablahin ang laro, 31-31 sa pagtatapos ng first half.

Dahan-dahan namang nakaabante muli ang Gilas sa ikatlong yugto sa pangunguna naman ni Scottie Thompson, Calvin Oftana, at Ange Kouame.

Nagdala ang Gilas ng 10-puntos na kalamangan sa fourth quarter, 51-41, at napreserba ito sa tulong nang matinding depensa.

Nangunang muli si Brownlee para sa Gilas, na umiskor ng 20 puntos at nagdagdag ng 10 rebounds isang araw matapos niya pangunahan ang comeback game ng Gilas kontra China.

Nag-ambag naman ng 14 puntos at 11 rebounds si Kouame para tulungan ang Gilas makarebanse sa Jordan, na tumalo sa kanila sa groupn stage.

Huling nakaginto ang Pilipinas sa Asian Games basketball noong pang 1962.