Sudden Unintended Acceleration rin ba? Toyota Fortuner, inararo ang bangko sa QC nang biglang humarurot paabante

Pinaatras diumano ng security guard ang sasakyan, na isang Toyota Fortuner, at dito na humarurot ito paabante. Kwento ng drayber, hindi na niya mapigilan ang pagharurot ng kanyang sasakyan.

Humarurot papasok ng isang bangko sa Barangay Pasong Putik sa Quezon City ang isang sports utility vehicle (SUV) at inararo ang tatlong empleyado at tatlo ring kliyente nito.

Batay sa paunang imbestigasyon, naganap ang insidente dakong 5:00 p.m. nitong Huwebes, Disyembre 28, na siya namang huling oras ng operasyon ng naturang branch ng BDO.

Ayon kay Capt. Joan Alisago Vela, hepe ng QCPD-District Traffic Enforcement Unit, naka-park ang SUV na sangkot sa insidente sa may labas lamang ng bangko dahil hinihintay ng drayber nito ang kaniyang asawa na nagwi-withdraw lamang.

Pinaatras diumano ng security guard ang sasakyan, na isang Toyota Fortuner, at dito na humarurot ito paabante.

“Sabi ng guard, iatras ko ‘yung sasakyan… hindi ko magawa na umatras. Pagkatapos i-abante ko, umabante naman [pero] hindi mapigilan. Bakit, anong nangyari dito sa sasakyan? Hindi ko maintindihan,” kwento ng drayber.

Mahaharap sa kasong damage to property at multiple physical injuries and drayber ng Toyota Fortuner, na nasa kustodiya na ng mga awtoridad.