Success! Matagumpay na hosting ng FIBA World Cup natapos na, Germany big winner

Naging matagumpay ang hosting ng Pilipinas sa FIBA World Cup na pinakaprestihiyosong basketball tournament sa buong mundo. Gold medal naman ang Germany, samantalang silver medal ang Serbia.

Opisyal nang nagtapos nitong Linggo ng gabi, Setyembre 10, ang pag-host ng Pilipinas sa FIBA World Cup, ang pinakamalaki at pinakaprestihiyosong basketball tournament sa buong mundo.

Nakuha ng bansang Germany ang kampeonato sa nasabing torneo matapos nitong talunin ang Serbia, 83-77, sa kanilang gold-medal match sa harap ng mahigit 12,000 kataong nanood ng live sa SM Mall of Asia (MOA) Arena. Bago nito ay nasungkit naman ng Canada ang bronze medal nang paluhurin ang Team USA, 127-118, sa kanilang battle for third.

Ang MOA Arena ang isa sa tatlong playing venue nitong nagdaang FIBA World Cup, kabilang ang Philippine Arena sa Bulacan at ang Smart-Araneta Coliseum sa Quezon City. Pinuri naman ng batikang sportswriter na si Brian Windhorst ng ESPN ang MOA Arena at Smart-Araneta Coliseum, na aniya ay parehong world class at dekalidad talaga.

Matatandaan rin na nai-set sa Philippine Arena ang biggest crowd attendance sa kasaysayan ng FIBA nang dumugin ng fans ang nasabing playing venue noong opening nito, kung saan sumabak rin ang Gilas Pilipinas laban sa Dominican Republic.

Gaganapin muli ang FIBA World Cup sa 2027 sa Qatar.