Street vendors na nagbebenta ng maruming pagkain, pinaalis ng Sorsogon City Hall

Pakiusap ng mga awtoridad sa mga nagbebenta, siguruhin na malinis ang paninda upang hindi maka-perwisyo ng mga mamamayan.

SORSOGON – Inaksyunan ng Seguridad Kaayusan, Katranquilohan, Kauswagan (SK3) ng Sorsogon City sa paraan ng pag-inspeksyon sa mga street vendors na nagtitinda ng gulaman, butchiron o chicken skin sa Talisay Covered Court.

Ito’y matapos iparating sa kanilang kaalaman ang maruming pamamaraan ng paggawa ng pagpreserba ng mga pagkaing itinitinda roon.

Ayon kay Arnel Anchinges, namumuno ng SK3, nadiskubre nilang gumagamit ang mga ito ng magic sugar sa gulaman na lubhang mapanganib sa kalusugan ng mga bumibili habang ang mga nasira namang gulaman, hinuhugasan muli para itindang muli.

Ang chicken skin naman na dating luto at hindi naibenta ay muling iniinit para ibenta ulit.

Sa imbestigasyon, nalaman nilang mula pa ng Camarines Sur, Camarines Norte, Naga City, Quezon City, at San Pablo City ang siyam na nagtitinda para sa selebrasyon ng Kasanggayahan Festival.

Para sa mga gustong magtinda sa lugar, sinabi ni Archinges na wala umanong problema basta’t kumpleto sa mga dokumento.

Tiniyak din ng SK3 ang mga residente na patuloy ang kanilang pag-monitor sa mga nagtitinda para masigurong malinis ang mga ibinebenta nilang pagkain.