SSS-Bicol, nagbahay-bahay sa mga delinkwenteng negosyante sa Albay

Nangatok ang mga kinatawan ng Social Security System (SSS) sa mga employer para hikayatin silang bayaran ang kanilang obligasyon sa ahensya.

CAMALIG, ALBAY – Nasampulan ang pitong business establishements sa bayan ng Camalig, Albay kasunod ng pagbisita ng Social Security System (SSS)-Bicol nitong Biyernes, September 22, 2023.

Ang naturang pagbisita ay bahagi lamang ng Relief Afforded to Challenge Employer (RACE) Campaign ng opisina na layuning mapanagot ang mga delingkwenteng employers sa naturang bayan.

Kasama sa mga nasampulan ng SSS ang isang lotto outlet, bakery, canteen. Laundry shop at Milk Tea shop.

Ayon kay Elenita Samblero, Vice President ng SSS Bicol, tinatayang P234,000.00 ang makokolekta ng kanilang opisina sakaling makapagbayad na ang mga naisyuhan nila ng RACE Order sa naturang bayan.

Binigyang diin din ni Samblero na wala silang pinipiling negosyo, maliit man o malaki, basta may kasalanan ay kanilang papanagutin.

Samantala, sa datos ng SSS Bicol mula Agosto nitong nagdaang taon, 186 na delingkwenteng negosyante ang kanilang sinugod subalit 33 pa lamang sa mga ito ang nakakapagbayad kung saan aabot sa 10.5 million pesos ang kanilang nakolekta.

Kabuoang 2,029 naman ang naitalang apektadong manggagawa.

Kaugnay nito, 15 araw naman ang ibinigay na palugit ng SSS Bicol sa mga nasampulang employers.