SSS aalalayan mga apektadong OFW sa Taiwan

Bubuksan ng Social Security System (SSS) ang kanilang calamity loan para sa kanilang mga miyembro na naapektuhan ng magnitude 7.2 na lindol sa Taiwan.

Bubuksan ng Social Security System (SSS) ang kanilang calamity loan para sa kanilang mga miyembro na naapektuhan ng magnitude 7.2 na lindol sa Taiwan.

“Mag-o-offer ang SSS ng loan assistance para sa mga OFW sa Taiwan na naapektuhan ng recent na quake doon,” wika ni SSS spokesperson Marissa Mapalo sa panayam ng Teleradyo Serbisyo.

Aniya pa, patuloy pa nilang inaayos kung ano ang mga magiging requirement para ma-avail ang loan.

“It will be the usual na offer na calamity loan assistance. Usually ang nire-require namin dyan meron sila dapat 36 monthly contribution and at least merong fixed na contribution within the 12 month period na from the time na nag-apply,” dagdag pa ni Mapalo.

Ang mga nais mag-apply sa nabanggit na loan ay dapat nagtatrabaho sa bahagi ng Taiwan na nasalanta ng lindol.

“Usual offer ng SSS sa calamity loan assistance, maximum of P20,000, but yun nga po it’s still pending approval ng board, so hindi ko pa masasabi definitely kung magkano talaga ang ma-i-offer sa mga OFW member,” paliwanag pa niya.

Bagamat wala pang eksaktong petsa kung kailan sisimulan ang loan, siniguro ni Mapalo na maaari itong asikasuhin online at maaaprubahan agad sa loob ng isang linggo.