South Korean firm kasangga ng Comelec sa 2025 elections

Iginawad ng Commission on Elections (Comelec) ang kontrata para sa mga vote counting machine na gagamitin sa susunod na eleksyon sa South Korean company na Miru Systems.

Iginawad ng Commission on Elections (Comelec) ang kontrata para sa mga vote counting machine na gagamitin sa susunod na eleksyon sa South Korean company na Miru Systems.

Ang Miru Systems ang kaisa-isang bidder para sa Lease of a Full Automation System with Transparency Audit/Count (FASTrAC) project ng Comelec.

Sa ilalim ng FASTrAC, ang Miru Systems ang magsisilbing provider ng mga vote counting machine, laptop, ballot box, balota, at mga software para sa canvassing system at Election Management System.

Nagkakahalaga ang kontrata ng P18.8 bilyon.

“Nagdesisyon ang Commission en Banc unanimous po kami, inadopt namin ‘yung recommendation ng aming Special Bids and Awards Committee at ‘yung mga findings ng TWG (technical working group), aming din pong inadopt at sinasabi na dapat maibigay ang award sa MIRU system at ang kanyang joint venture,” pahayag ni Comelec Chairman George Garcia.

Kasama sa joint venture ng Miru ang mga kompanyang Pinoy na Integrated Computer Systems, Inc., Saint Timothy Construction Corporation, at Centerpoint Solutions Technologies, Inc.

Ibinida ni Garcia na ang mga vote counting machine ng Miru ay kayang magpasok ng balota sa loob lamang ng dalawa hanggang tatlong segundo. Ang mga makina rin daw ay may 13 pulgada na screen para mas madaling makita ng botante kung tama ang pagbilang sa kanyang mga binoto.