Solon inilingan ‘bad joke’ ni VP Sara: Hindi nakakatawa seguridad ng Pangulo!

Inilingan ni Manila 3rd district Rep. Joel Chua ang pagbibiro ni Vice President Sara Duterte ukol sa dahilan ng kanyang hindi pagdalo sa ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr.

Inilingan ni Manila 3rd district Rep. Joel Chua ang pagbibiro ni Vice President Sara Duterte ukol sa dahilan ng kanyang hindi pagdalo sa ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Kinumpirma kasi ng bise presidente na hindi siya dadalo sa SONA. Nagbiro pa ito na itatalaga niya ang sarili bilang “designated survivor.”

Ang designated survivor ay isang tao sa presidential line of succession na sinasadyang ilayo sa iba sa panahon ng malalaking kaganapan upang matiyak na mayroong makakaligtas at maaring humalili sa pagkapangulo sakaling may mangyaring sakuna.

Ayon kay Chua, hindi dapat gawing biro o katatawanan ang seguridad ng Pangulo, lalo pa ngayong maraming tensyon sa politika ang hinaharap nito.

“I appreciate Vice President Sara Duterte’s humor when she said, “I am appointing myself as the Designated Survivor” when she said she is not attending the joint session of Congress for the third SONA of President Ferdinand R. Marcos, Jr.,” pahayag ni Chua sa isang panayam.

“However, given current political tensions, such a joke is not in good taste because the security of the President of the Philippines is not a joking or laughing matter. Great care is taken to ensure the security of the President, especially during the SONA,” dagdag pa nito.

Nilinaw pa ni Chua na wala umanong karapatan si VP Sara na magtalaga ng designated survivor dahil ang 1987 Constitution umano ang nagtatalaga sa Bise Presidente bilang unang hahalili sa Pangulo.