Siya nga ata ang isinakay: Hibla ng buhok, dugo sa inabandonang SUV, sa nawawalang beauty queen malamang—pulis

Sa ngayon, isang pulis ang pangunahing suspek sa pagkawala ng beauty queen na si Catherine Camilon.

Ang na-recover na forensic evidence sa inabandonang sports utility vehicle na pinaghihinalaang sangkot sa pagkawala ng isang beauty queen ay tugma sa mga magulang nito.

Ayon sa Philippine National Police, ang DNA na nakuha sa mga hibla ng buhok at dugo na nakita sa pulang Honda CRV ay tugma sa DNA na isinumite ng mga magulang ni Catherine Camilon, na mahigit isang buwan nang nawawala.

“Hair strands at blood na nakita dun sa sasakyan ay nag-match dun sa DNA profile na binigay ng magulang ni Ms. Catherine Camilon,” saad ni PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Director Major General Romeo Caramat Jr.

BASAHIN RIN: Umuusad na ang kaso: Sasakyang may kinalaman sa nawawalang beauty queen, natagpuan na

Ibig sabihin, totoo nga ang mga salaysay ng mga saksi na isinakay ang duguan si Camilon sa nasabing sasakyan.

“’Yung mga witness natin ay di nagsisinungaling. There is a corroborative evidence na talagang nakita nilang babae na binubuhat ng mga suspect natin ay certainly si Ms. Camilon,” paliwanag ni Caramat. “Mas bumigat yung kaso na isinampa natin doon sa mga suspect dahil nag nagtutugma ‘yung mga sinabi ng mga witness natin.”

BASAHIN RIN: Nawawalang beauty queen, sinasaktan umano ng pulis, DNA nito natagpuan sa abandonadong kotse—PNP

Dagdag pa niya, susuyurin pa ng PNP ang sasakyan upang makita kung may mga fingerprint na maaaring magamit upang tukuyin ang pagkakakilanlan ng mga suspek.

Sa ngayon, isang pulis ang pangunahing suspek sa pagkawala ni Camilon.