Sisiguraduhin ang ligtas ngayong holiday season: PNP, full alert na simula sa susunod na linggo

Itinaas ang alert level sa buong bansa ng pambansang kapulisan dahil inaasahan ang pagdagsa ng mga tao sa mga pampublikong lugar sa nalalapit na holiday season, ayon sa isang opisyal.

Isasailalim sa Philippine National Police (PNP) sa full alert status simula sa susunod na linggo dahil sa inaasahang pagdagsa ng mga biyahero sa nalalapit na holiday season.

“Pagdating ng December 15 ay suspended na ang leave ng mga pulis as a normal practice. Ibig sabihin, naka full alert na tayo nationwide para siguraduhin na accounted at meron tayong readily available na mga personnel for deployment,” saad ni PNP spokesperson Col. Jean Fajardo sa isang press conference sa Camp Crame nitong Martes, Disyembre 5.

Ayon kay Fajardo, ipinag-utos ni PNP chief Gen. Benjamin Acorda Jr. na pag-igtingin ang presensiya ng kapulisan at magsagawa ng mga preventive patrol operations upang masiguro ang kaligtasan ng publiko, lalo na ang mga magsisimbang gabi simula Disyembre 16.

Kaya bilang bahagi ng “Ligtas Paskuhan 2023” ng PNP, tinatayang 39,000 na pulis ang ide-deploy sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

“Kasama na rin diyan yung mga places of worship, major thoroughfares, mga transport terminals to make sure nga dahil inaasahan natin na kapagka mga ganitong December ay tumataas din, dumodoble or tumpitriple pa mga bumi biyahe pauwi ng probinsya,” ani Fajardo.