Sipag at tiyaga puhunan! Traffic enforcer naka-graduate sa college

Nagpursige ang isang traffic enforcer na pagsabayin ang pag-aaral ang pagtatrabaho para makamit ang pangarap niyang diploma.

Nagpursige ang isang traffic enforcer na pagsabayin ang pag-aaral ang pagtatrabaho para makamit ang pangarap niyang diploma.

Binahagi ni Antipolo City Mayor Jun Ynares ang istorya ni Francis Allit Caballero, na isang traffic enforcer sa kanilang lugar.

Bago maging traffic enforcer ay ilang trabaho ang pinasukan ni Caballero para makatulong sa kanyang pamilya.

Nagsilbing carwash boy at service crew si Caballero noong mamasukan ito sa Maynila.

Naging tindero din ito ng prutas sa bangketa at sumideline na tagalinis ng bahay ng ilan sa kanyang guro para may pambaon siya sa eskuwelahan.

Para makatungtong sa kolehiyo ay nagtrabaho bilang traffic enforcer si Caballero sa ilalim ng Office of Public Safety and Security (OPSS).

“Sa umaga, nasa paaralan siya para busugin ang kaniyang isipan ng dunong at kaalaman. Sa hapon, pagtapos ng eskwela, nasa kalsada naman siya para pamahalaan ang daloy ng trapiko sa lansangan,” kwento ni Ynares.

Noong April 30 ay nakapagtapos na ng kolehiyo si Caballero sa kursong Bachelor of Science in Criminology.

“Patunay ang kwento ng iyong buhay na walang pangarap ang hindi kayang abutin kung sasamahan natin ito ng determinasyon at pagsusumikap. Saludo kami sa’yo!” mensahe pa ni Ynares.