Sintang paaralan, represent! Modernisasyon ng PUP, isinusulong sa Kamara

Isinusulong sa Kamara ang napapanahong modernisasyon ng Polytechnic University of the Philippines.

Nais ng mga mambabatas na mas lalong pagandahin pa ang Polytechnic University of the Philippines (PUP).

Kaugnay nito, isinumite na ng ACT-CIS Party-list, sa pangunguna ni Deputy Majority Leader Erwin Tulfo, ang House Bill (HB) No.9060. Layon ng panukalang ito na ipasok ang mga mahahalagang susog sa PUP Charter upang ito ay umangkop sa nagbabagong pangangailangan ng modernong edukasyon.

Ito rin ay naglalayong mapadali ang modernisasyon ng PUP na itinatag noong 1978 pa sa bisa ng Presidential Decree (PD) No. 1341. Ayon kay Tulfo kinakailangan ang mungkahing modernisasyon upang matugunan ang nagbabagong mga pangangailangan sa sektor ng edukasyon.

“The proposed changes are intended to ensure that the PUP remains a relevant and effective institution, committed to high-quality education, innovation, and socioeconomic development,” pahayag ng HB 9060.

“The bill reflects the government’s dedication to advancing education and academic excellence through modernizing PUP’s charter, reinforcing its role as a dynamic institution that meets the diverse educational needs of the nation.”

Kung maisasabatas, hihirangin nito ang PUP bilang kauna-unahang national polytechnic university ng Pilipinas.