Sino Ka? Pagyayabang ni Villanueva ayaw patulan ng mambabatas

“Ang plano po namin, kung sino ang aming susuportahan at sino rin ang aming ide-declare na persona non grata na hindi susuportahan”.

Binuweltahan ni Ako Bicol Party-list Rep. Elizaldy Co si Sen. Joel Villanueva sa tila pagmamaliit nito sa mga kongresista.

Sinabi ni Rep. Co, chairman din ng House Appropriations Committee na hindi maaaring ikumpara ang boto ng senador sa mga kongresista tuwing halalan dahil malayong-malayo ito at maituturing na “apples to orange.”

Binigyang diin pa ng mambabatas na hindi dapat maliitin ni Villanueva ang mga Partylist Representative dahil ito rin ang pinagsimulan niya bilang kinatawan noon ng CIBAC partylist.

“Sinasabi nila, they have 15 million votes, sabi ni Sen. Joel. So be it kung ‘yun ang sa tingin niya. Pero alalahanin nya na ang Kongreso, ang mga congressman pagdating sa district, lagi nilang hinihingian ng tulong at darating ang araw hihingi siya ng tulong,” ani Co.

Kinokonsidera ngayon ng mga kongresista na huwag nang suportahan ang naturang senador dahil sa inasal nito.

“At hindi ko ho alam sa ngayon sa mga sinabi niya ay tutulong pa ang mga congressman. And ang plano po namin, kung sino ang aming susuportahan at sino rin ang aming ide-declare na persona non grata na hindi susuportahan,” babala pa ni Co.