Single ticketing system sa Metro Manila, patuloy na pinupulido ng MMC, ayon sa MMDA

Inaayos pa ng Metro Manila Council ang mga detayle sa pagpapatupad ng single ticketing system sa Metro Manila.

Patuloy na pinupulido pa ng Metro Manila Council (MMC) ang mga detalye sa pagpapatupad ng single ticketing system para sa buong Metro Manila kabilang ang pagtatag ng isang digital payment platform para sa pagbayad ng multa.

“Sa single ticketing system, tuloy-tuloy naman po yung pag-pipilot natin pero soon magfu-full implementation na tayo,” ani Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chair Romando Artes sa isang pulong balitaan.

“May kaunting lamang pong inaayos which is maganda po habang kaunti pa yung nag-iimplement ay nakikita,” dagdag pa niya.

Kasalukuyang tinutukoy pa ng MMC ang halaga ng bond na kailangan ihanda sakaling pumalya ang gagamitin nilang mga digital payment platform sa pagpadala ng mga nakolektang multa mula sa mga motorista, ayon kay San Juan City Mayor Francis Zamora.

Nakikiusap si Zamora, pangulo ng MMC, sa mga digital payment platform na magkaroon ng unified bond para sa lahat ng local government units ng Metro Manila.

“Kanina po sa pagpupulong, yan po ang pinag-uusapan na magkaroon ng common amount ang bond for all 17 LGUs,” aniya. “Kasi base sa nakikita natin ngayon kino-compute po nila doon sa average na huli o bayad ng mga violators per LGU. But if we do this it might take a lot of time.”

Noong nakalipas ng buwan, sinabi ng MMDA na inaasahan nito ang pagpapatupad ng single ticketing system sa Metro Manila ngayong Setyembre. Sa ilalim ng sistema, magkakaroon na lang ng isang polisiya sa mga traffic violation at kaukulang multa.