Sila pa rin ang maysala? Customs: Chinese mafia nasa likod umano ng rice smuggling sa bansa

Kasalukuyang tinutukoy ng Bureau of Customs ang impormasyon na natanggap nila na Chinese mafia ang nasa likod ng talamak na rice smuggling sa bansa.

Chinese mafia diumano ang namumuno sa talamak na rice smuggling sa bansa.

Ito ngayon ang tinututukan ng Bureau of Customs (BOC) matapos makatanggap ng impormasyon na Chinese mafia ang nasa likod ng rice smuggling na nagpapataas naman ng presyo ng bigas sa merkado.

“Yung mga reports na nare-receive po ng office natin, binabanggit nga po mga Chinese,” pahayag ni BOC Director Vernie Enciso.

“Either nasa side ng financing, nasa side ng distribution or nasa side ng, there are other, maraming levels kung nasaan sila present dito sa agricultural smuggling. ‘Yan po ang isa sa mga tinitignan ng Bureau of Customs,” dagdag pa ng opisyal.

Inamin naman ng chief of staff ng BOC na si Atty. Marlon Agaceta na mahirap, matagal, at mabusisi ang proseso upang mapanagot ang mga nasa likod ng rice smuggling sa bansa dahil nagtatago umano ang mga ito sa mga “dummy” at gumagamit ng mga alyas.

Gayunpaman, nakapagsampa pa rin ang BOC ngayong taon ng 53 kaso kontra smugglers.