Sila pa ang may ganang magalit! China sa Pilipinas: ‘Wag gumalaw na magpapasiklab ng gulo sa South China Sea

Sinabi ng China na dapat kumalma lang ang Pilipinas at huwag gumawa ng anumang hakbang na magtataas ng tension sa South China Sea.

Hinimok ng China ang Pilipinas na itigil ang anumang hakbang na magpapasiklab ng tension sa South China Sea matapos tanggalin ng Philippine Coast Guard ang isang floating barrier na kinabit ng mga Tsino para itaboy ang mga mangingisdang Pilipino sa Scarborough Shoal.

“We urge the Philippines not to make provocations or seek trouble,” pahayag ni Wang Weibin, Chinese foreign ministry spokesperson, sa Beijing.

Sumagot si Wang nang tanungin tungkol sa pagtanggal ng PCG ng barrier noong Lunes, Setyembre 25.

“The so-called statement was what the Philippines told itself. China’s resolve to safeguard its sovereignty and maritime rights and interests over Huangyan Island is unwavering,” dagdag pa ni Wang, na iginiit na kanila ang Scarborough Shoal.

Nakapaloob sa teritoryo ng Pilipinas ang Scarborough Shoal, at karaniwang nangingisda ang mga Pilipino doon mula sa Masinloc, Zambales.