Sigurado bang wala nang palpak? Dry run ng cashless toll collection sa lahat ng expressway, simula na

Simula ngayong Biyernes, ika-1 ng Setyembre, ipatutupad ng Toll Regulatory Board (TRB) ang dry run ng cashless toll collection sa lahat ng expressway kung saan sisimulan na ang dahan-dahang pag-alis ng mga toll gate na tumatanggap ng cash.

Simula ngayong Biyernes, ika-1 ng Setyembre, ipatutupad ng Toll Regulatory Board (TRB) ang dry run ng cashless toll collection sa lahat ng expressway kung saan sisimulan na ang dahan-dahang pag-alis ng mga toll gate na tumatanggap ng cash.

Ipinagpatuloy ng ahensya ang kanilang programa matapos ang higit na dalawang taong transition period dahil inulan ng batikos ang naunang pagpapatupad noong Enero 2021. Umani ng puna ang TRB dahil sa mga palpak na RFID reader na nagdulot ng kilo-kilometrong traffic nang una itong ipatupad.

Layunin ng programa na pabilisin pa ang daloy ng mga sasakyan sa mga expressway sa pagtanggal ng mga cash lane kung saan nagtatagal ang mga sasakyan sa pagbayad at pagsukli.

Inutusan ng TRB ang mga toll concessionaires nito na dahan-dahan i-convert ang mga mixed toll exits nito, o mga toll exits na tumatanggap ng cash, at gawin itong 100% cashless lane.

Hinihikayat ng ahensya ang mga motorista na i-rehistro ang kanilang mga sasakyan sa mga electronic toll collection system ng mga toll concessionaires upang makakuha ng RFID sticker.

Libre ang mga RFID sticker at kailangan lamang mag-load tuwing dadaan sa mga expressway.

Samantala, nagpahayag naman ng kahandaan ang Metro Pacific Tollways Corp. (MPTC) at San Miguel Corp. (SMC) sa muling pagpapatupad ng cashless toll collection program ng TRB. Sinabi ng mga kumpanya na handa silang sumunod sa kautusan ng TRB, at hinikayat nila ang publiko na kumuha ng RFID stickers para sa kanilang mga sasakyan.

Nagpapatakbo ng mga expressway tulad ng North Luzon Expressway at South Luzon Expressway ang MPTC at SMC.