Sibilyan lagi ang dehado sa gera: 2 Pinoy, kumpirmadong patay sa Israel-Hamas conflict—DFA

Kinondena rin ng bansa ang pagsiklab ng kaguluhan sa pagitan ng Israel at teroristang Hamas na sumiklab noong weekend.

Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang pagkamatay ng dalawang Pilipino Miyerkules ng umaga, Oktubre 11, bunsod ng pag-atake ng teroristang Hamas sa Israel kamakailan.

Sa isang social media post, kinondena rin ni Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo ang lahat ng karahansang nangyayari sa lugar kung saan muling sumiklab ang kaguluhan simula noong Sabado, Oktubre 7.

“The Philippines condemns the killing of two Filipino nationals and all other acts of terrorism and violence as a result of Hamas actions against Israel,” sinabi ng kalihim sa isang pahayag.

Nangako ang opisyal na handa makipagtulungan ang bansa upang makagawa ng permanenteng solusyon na magwawakas sa kaguluhan sa lugar.

“The Philippines is ready to work with other countries towards a long-lasting resolution to the conflict, in accordance with pertinent UN Security Council resolutions and the general principles of international law,” ayon kay Manalo.

Sinabi pa ng opisyal na patuloy na magbabahagi ng tulong ang embahada sa Israel sa lahat ng Pilipinong naipit sa kaguluhan.