Send the troops! Teodoro, DND dadagdagan ang military presence sa West Philippine Sea

Ikinakasa na ng Department of National Defense ang mas pinag-igting na maritime patrols sa West Philippine Sea matapos mapinsala ang Rozul Reef at Escoda Shoal ng diumano'y mga Chinese militia vessels.

Nais ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. na dagdagan pa ng Pilipinas ang military presence nito sa West Philippine Sea.

Ito ay bilang tugon sa napabalitang coral destruction sa Rozul Reef at Escoda Shoal, na parehong pasok sa Exclusive Economic Zone ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

Ayon kay Teodoro, nakakasa na ang mas pinalawig at mas pinaraming joint patrols sa West Philippine Sea.

“We are increasing our footprint in the area. We can also integrate with the coast guard operations na kaalinsabay ng increased capabilities na ninanais namin makuha under EDCA na makita namin kung sino ang gumagawa nito,” pahayag ni Teodoro sa isang panayam sa media matapos ang pagdinig ng House of Representatives sa panukalang ng kagawaran sa susunod na taon.

Matatandaang nilabas na rin ng Philippine Coast Guard noong Lunes ang dalawang videos na nagpapakita ng matinding pinsala sa Rozul Reef at Escoda Shoal matapos mamataan dito ang mga Chinese militia vessels.