Senado, tinapos na ang pagtalakay sa P5.768-trilyong national budget para sa 2024

Sa pagtatapos ng pagtalakay ng panukalang pondo sa plenaryo, irerekomenda naman ng Senate Finance Committee ni Sen. Sonny Angara ang mga babaguhin sa budget.

Winakasan na ng Senado nitong Martes ng umaga, Nobyembre 21, ang plenary deliberation nito sa panukalang P5.768 trilyong national budget para sa taong 2024.

Nagtapos ang sesyon ng Senado ng 4:50 ng madaling araw kung saan nagpasya ang plenaryo na simulan na ang pagbalangkas ng mga revisions sa pondo ng gobyerno para sa 2024. Tumagal ang pagtalakay sa budget ng siyam na araw.

Kabilang sa mga tinalakay sa plenaryo ang pagtanggal ng confidential funds ng mga civilian agencies tulad ng Office of the Vice President, Department of Education, Department of Finance, at Department of Information and Communications Technology.

Binawasan rin ng Senado ang confidential funds ng Office of the Ombudsman at Department of Justice.

Sa pagtatapos ng pagdinig ng Senado sa budget ng gobyerno, irerekomenda naman ng Senate Finance Committee ni Sen. Sonny Angara ang mga babaguhin sa General Appropriations Bill (GAB).

Sunod dito ang ikalawa at ikatlong pagbasa.

Pagkatapos niyan ay magpupulong na ang House of Representatives at Senado para talakayin ang huling porma ng GAB at ang pagratipika nito, bago ihain sa tanggapan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa kanyang pirma.