Sen. Nancy Binay, imbyerna sa pag-gluta ni Mariel sa Senado: Nakaka-bother!

Pinuna ni Senador Nancy Binay ang pag-gluta drip ni Mariel Rodriguez-Padilla sa loob ng opisina ng asawa niyang si Senador Robinhood Padilla.

Pinuna ni Senador Nancy Binay ang pag-gluta drip ni Mariel Rodriguez-Padilla sa loob ng opisina ng asawa niyang si Senador Robinhood Padilla.

Ayon kay Binay, maaaring busisiin ng Senate Ethics Committee ang insidente dahil naaapektuhan nito ang integridad at repustayon ng Senado.

Ipinagbabawal din aniya ng Food and Drug Administration ang gluta drip kaya mapanganib na ginawa ito nang walang superbisyon ng isang licensed health professional.

“Nakaka-bother lang dahil yung IV procedure was done inside the Senate nang walang abiso mula sa clinic. And to make it more complicated, yung gluta drip ay dineclare mismo ng DOH na unsafe, banned ng FDA, and it was administered outside the clinic without proper supervision of a licensed health professional,” ani Binay.

Sana raw ay naging maingat si Mariel dahil sikat itong personalidad at maaaring mahimok ang publiko na gumamit ng ipinagbabawal na produkto.

“As public figures, sana aware din tayo sa responsibilidad natin sa publiko. We might be promoting something na ipinagbabawal at iligal, at akala ng mga tao eh okey lang. Isipin din natin na may kasamang pananagutan ang pagiging artista, lalo na kung senador ang asawa mo,” banat ng Senadora.

Inulan ng batikos si Mariel matapos ipost sa kanyang Instagram account ang kanyang gluta drip session sa loob ng Senado.

Tinawanan lamang ng kanyang mister na si Robin ang insidente at sinabing nagp-promote lamang si Mariel ng “good looks” at “good health.”