Screening officer sa NAIA Terminal 2, sinibak ng OTS matapos kuhanin ang tsokolate ng paalis na pasahero

Ayon sa screening officer, kusang-loob ibinigay ng pasahero ang tsokolate sa ngayon, ngunit ipinagbabawal pa rin ang pagtanggap ng regalo o anumang tip ang kawani ng Office for Transportation Security (OTS)

Sinisante ng Office for Transportation Security (OTS) ang isang security screening officer (SSO) matapos madiskubreng nagnakaw diumano ng tsokolate ng isang pasahero, ayon sa isang opisyal.

Ayon kay OTS spokesperson Kim Marquez, tinanggal na sa serbisyo ang SSO noong Setyembre 23 sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2 matapos matukoy ng ahensya na kinuha niya ang gamit mula sa isang paalis na pasahero habang ginagawa ang isang baggage inspection.

Dagdag pa ni Marquez, nagdahilan ang SSO na binigay daw umano ang tsokolate sa kanya ng pasahero, ngunit iginiit ni Marquez na hindi maaaring tumanggap ng regalo o tip ang anumang kawani ng OTS.

Bagama’t hindi nakatanggap ng reklamo ang OTS mula sa pasahero, inireklamo naman ng supervisor ng SSO, kaya gumulong ang imbestigasyon ng ahensya, paliwanag ni Marquez.

Inamin ni Marquez na natagalan resolbahin ang reklamo dahil nagkaroon ng delay sa pagkuha ng CCTV footage mula sa Manila International Airport Authority.

“As soon as we got the evidence, the personnel involved was dismissed the next day,” aniya. “They could be dismissed outright if they commit violations in their contractual obligations.”

Nakiusap si Marquez sa pasahero na lumapit sa kanilang tanggapan upang mapagpatuloy pa nila ang pagsampa ng kaso laban sa nasisanteng SSO.