School is family: Estudyanteng mag-isa sa graduation, ‘di iniwan ng guro, kaklase

Hindi napigilan ng isang grade 10 student sa Bohol na humagulgol nang patugtugin ang tribute song para sa mga magulang at mag-aaral sa Moving Up ceremony o graduation ng eskwelahan.

Hindi napigilan ng isang grade 10 student sa Bohol na humagulgol nang patugtugin ang tribute song para sa mga magulang at mag-aaral sa Moving Up ceremony o graduation ng eskwelahan.

Tila napako kasi si Carl Gonzales sa sariling pwesto nang nasilapitan na ang mga magulang sa kanilang mga anak habang tumutugtog ang graduation song, kaya naman ang mga kaklase at guro na lang ni Carl ang lumapit at yumakap sa kanya nang nakita siyang naestatwa.

Kwento ni Carl, hindi na siya nasamahan ng kanyang inang si Durian Gonzales dahil sa bisperas ng Moving Up ceremony ay isinugod sa ospital ang nakababata at bunso niyang kapatid.

“Iniintindi ko po ang aking ina kasi mahal na mahal ko po siya,” saad ni Carl. “Alam ko naman na importante talaga yung bunsong kapatid ko.”

Walang ama si Carl dahil hiwalay ang mga magulang at ang lola at tiyahin niya sanang sasama sa kanya sa graduation ay di na nakarating sa oras dahil sa lakas ng ulan.

Bumuhos ang emosyon ni Carl dahil hindi niya inaasahan na yayakapin siya ng kanyang mga kaklase at guro. Aniya, naibsan ang lungkot niya dahil sa ginawa ng mga ito.

Nagpasalamat naman si Durian sa mga taong nagmalasakit kay Carl noong panahong wala siya sa piling ng anak.

Mag-isa man sa seremonya, napagtanto ni Carl na ang init ng yakap ng pamilya ay hindi lang nararamdaman sa tahanan ngunit pati na rin sa paaralan.